Friday, December 31, 2010

ANG POWERS NI LEN2X


Tamad at mahirap utusan si Lenlen.

Pagk- gising sa umaga, sa halip na iligpit ang hinigaan, diretso agad ito sa labas ng bahay upang makipag laro kina Arman at Cindy.

Kaya naman, umagang-umaga hindi na naman mapigilan si aling Sion sa kasesermon sa kanya.

“Lenlen! Asan ka naman bang bata ka!” pasigaw ng nanay niya ng makita nitong wala si Lelen sa kuwarto.

Samantalang si Lenlen, ibinida na naman ang bagong tsinelas sa mga kalaro na binili ng kanyang tatay Juan.

“O, ha! Meron ba kayong ganito, bagong-bago ito, tiyak na tataob agad ang lata kapag ito ang ipinangtira ko!” Pagmamalaki ni Lenlen.

“Naku Lenlen, palagi namang ganyan e, sige nga!” Tukso naman ni Arman.

Maya-maya nagpostura na si Lenlen na animoy inaasinta ang lata.

Isa. Dalawa. Tatlo!

Pak!

“Araaaay!” Sigaw ng nanay ni Lenlen.

“Naku Lenlen! Ang aga-aga naglalaro ka naman!” at agad na pinauwi ni Aling Sion si Lenlen.

Tuloy dismayadong Lenlen ang humarap sa hapag kainan.

“O anak, bakit mukhang natalo ka ata sa tumbang preso? Tanong ni tatay Juan na parang nanunukso pa.

Hindi naman sumagot si Lenlen. Pagkatapos hugasan ang kamay sa tabo, sumandok na ito ng kanin.

“Naku Lenlen, kailan ka ba magbabago?” Tanong ni aling Sion habang naglalagay ng kobyertos sa hapag kainan, at sinabi pang sana tumulong ito sa gawaing bahay, total bakasyon naman.

“Nanay naman, bakasyon naman e.” sagot ni Lenlen na halatang nagmamaktol.

“Oo nga naman nay, bakasyon naman e” sunod ni tatay Juan sabay kindat kay aling Sion.

“Sige, kampihan mo naman yang anak mo, kaya lalong tumitigas ulo niyan e” sagot naman ng nanay.

At nagpatuloy lamang sila sa pagkain.

Pagkatapos tumulong ni Lenlen sa gawaing bahay, tamang-tama naman na dumating si Biboy.

“Magandang araw po aling Sion” bati ni Biboy.

“O ikaw pala Biboy, naku binata ka na ha, kumusta ang Maynila?” sagot naman ni aling Sion, samantalang si Lenlen umupo naman sa sofa.

“Mabutin naman po aling Sion, may pasalubong po ako para sa inyo” patuloy ni Biboy na may inabot na supot ng puto.

Kinuha naman ito ni aling Sion at nagpasalamat.

“O panu iwan ko muna kayo ni Lenlen, at may gagawin pa ako sa likod bahay, salamat dito sa puto Biboy.” Paalam ni aling Sion.

“Lenlen!” Pagulat ni Biboy.

Walang reaksyon si Lenlen at tumayo lamang ito na animoy lalabas ng bahay.

“O saan ka pupunta Lenlen?” tanong ni Biboy.

“Diyan sa labas makikipaglaro kina Arman at Cindy.” Sagot naman nito.

Pero paglabas niya ng bahay agad itong nagtaka, dahil walang tao sa kalsada.

Wala ring katao-tao sa tindahan ni manong Roy.

“Teka, Biboy bakit walang tao?” tanong ni Lenlen kay biboy.

Lumabas si Biboy. “Oo nga ano…” sambit lang ni Biboy na bigla rin nagtaka.

Agad na tumakbo sa likod-bahay si Lenlen upang tawagin ang nanay, ngunit laking gulat nito dahil wala rin ang kanyang nanay.

“Lenlen!” sigaw ni Biboy.

Agad na lumapit si Lenlen kay Biboy na nakatingin sa langit.

“Tignan mo yung mga lumilipad.” Patuloy ni Biboy.

Ng biglang dumami ang limilipad na basura dumilim na ang paligid. Maya-maya, dumagundong pa ang malakas na padyak ng paa.

“Baaaag!” At animoy niyanig ang kinalalagyan ng dalawa.

“Baaaag!” At nabiyak ang lupa.

Maya-maya may kung anong sumigaw na parang boses ng higante. At nagpakita ito kina Lenlen at Biboy.

“LEN… LEN….” Bigkas ng higanteng lalaki na balot ng basura ang katawan. Maya-maya nagkalat na ito ng mga basura sa paligid.

“Higanteng mamang basura! Anong ginagawa mo?!” Pasigaw na tanong ni Lenlen sa higante.

Hindi sumagot ang higante bagkus nagpatuloy lamang ito sa pagkakalat sa paligid.

Nakita ni Lenlen ang isang lata sa gilid. Pinulot niya ito at agad na inihagis sa higante.

“ARAAAYY!” Reklamo ng higante.

“Higante, itigil mo yang ginagawa mo!” pautos ni Lenlen.

Pero hindi natinag ang higante, patuloy lamang ito sa pagkakalat.

“Naku Biboy, mukhang hindi tayo pinapakingan ng higante.” Sabi niya kay Biboy.

Nag-isip ang dalawa.

“Alam ko na!” biglang sambit ni Biboy.

At agad na inilabas nag dilaw na kapa.

“Teka ano yang hawak mo?” tanong naman ni Lenlen.

Ipinaliwanag ni Biboy kung ano ang hawak nitong dilaw na kapa. Sinabi nito na mahiwaga ito dahil maaaring makalipad ang sino mang magsuot nito.

Bumulalas naman sa tawa si Lenlen. “Sira ka ba Biboy?!” Sabi ni Lenlen, sino naman raw ang maniniwala sa sinasabi niya.

Agad na isinuot ni Biboy ang kapa, maya-maya pa tumalon ito at nakalipad.

“Ano Lenlen, naniniwala ka na sa akin?” pagmamalaki ni Biboy, namangha lamang si Lenlen.

Maya-maya, biglang sumulpot ang higante at hinuli si Biboy.

“Biboy!” sigaw ni Lenlen. “Higanteng basura! Pakawalan mo ang kaibigan ko!” pautos ni Lenlen sa higante.

“HINDI GANUN KADALI LEN…LEN…” sagot naman ng higante.

“KAILANGAN MO MUNANG GUMAWA NG BAGAY PARA PAKAWALAN KO ANG KABIGAN MO…” patuloy ng higante.

Tinanong naman ni Lenlen ang higante kung ano ang dapat niyang gawin.

“TUMINGIN KA SA PALIGID MO…” sagot ng higante.

Napansin ni Lenlen ang makalat na paligid.

“Anong ibig mong sabihin? Lilinisin ko ang kalat mo?!” Sagot ni Lenlen.

“Lenlen gawin mo na lang ang utos niya!” sigaw ni Biboy.

Dahil wala ng magagawa pa si Lenlen, agad na lamang itong kumilos upang maglinis sa kapaligiran.

Tinipon niya ang mga basura. Inilagay sa tabi. Winalis niya ang mga nagkalat na dahon sa kalsada. Inayos ang mga natumbang mga drum sa tindahan ni manong Roy.

“O ayan, nalinisan ko na higante! Pakawalan mo na ang kaibigan ko!” hingal na hingal si Lenlen.

“MAY HINDI KA PA NAGAGAWA LEN… LEN…” sagot ng higante.

Nagtaka si Lenlen at napakamot sa ulo.

“Teka ano yung mabahong amoy na yun?” tanong ni Lenlen. Tumingin sa higante at, “Tama! Biboy ipahiram mo sa akin ang kapa mo!” Dali-dali namang tinanggal ni Biboy ang suot nitong kapa at inihagis kay Lenlen.

Nang maisuot na ni Lenlen ang kapa agad itong pumunta sa likod ng bahay.

Bitbit at isang baldeng tubig, hinaluan niya ito ng sabon, inilipad niya ito sabay ibinuhos sa higante.

Kinuha ang pangkuskos at kinuskos ang buong katawan ng higante.

Nakikiliti naman ang higante.

Kumuha pa ng isang baldeng tubig at ibinuhos ulit sa higante bilang pangbanlaw.

Maya-maya nag mukhang malinis na ang higante.

Tinignan ng higante ang buong katawan nito, at inamoy ang sarili.

“BINABATI KITA LEN… LEN… DAHIL NAGAWA MO ANG NAIS KO…” nakangiting sabi ng higante at dahan-dahang ibinaba si Biboy.

“DAHIL SA GINAWA MO, PINAPALAYA KO NA ANG KABIGAN MO…” patuloy nito at nagpaalam sa dalawa.

Nakangiti naman sina Lenlen at biboy habang pinagmamasdan ang malinis na paligid.

“Ang galing mo Lenlen!” Papuri ni Biboy kay Lenlen.

“Lenlen! Tanghali na gumisng ka na riyan!”

Umaga palang parang sirena na naman ng bombero ang boses ni aling Sion. Agad nitong binuksan ang pintuan ng kuwarto ni Lenlen, ngunit nabigla ito ng makita ang loob ng kuwarto.

“Lenlen?” tanong ni aling Sion.

Nagtataka si aling Sion dahil naabutan niya si Lenlen na naglilinis sa loob ng kuwarto. Ikinalat pa ni aling Sion ang kanyang paningin at nakita niya ang maayos na lagayan ng mga damit ni Lenlen at ang maayos na hinigaan nito.

“Magandang umaga po nanay” bati ni Lenlen kay aling Sion na animoy walang nangyari.

Sa pagtataka ni aling Sion, niyakap niya lamang si Lenlen ng nakangiti.

At habang kumakain ang mag-anak, dumungaw sa bintana sina Arman at Cindy upang tawagin siya sa paglalaro.

“Mamaya na lamang tayo maglaro, tutulong muna ako sa gawaing bahay.” Sagot naman nito sa dalawa.

Nakangiti naman ang nanay at tatay nitong si aling Sion at tatay Juan.

Mula noon, naging ugali na ni Lenlen ang tumulong sa gawaing bahay.

At yun ang ipinagmamalaking powers ni Lenlen.

Samantala sa ibang daigdig, masayang naghahabulan ang higante at si Biboy na suot pa ang dilaw na kapa.

End ====

No comments: