“Babalik na si Ma’am”
Howie Severino
Isang sanaysay ni Al Hadji Rieta, Marso 15, 2008
“Ma’am”. Maraming kahulugan ang salitang ito. Marahil sa iba ito ay karaniwang tawag sa ating mga ina, ang iba nama’y ginagamit na pantawag o bansag na bilang pagpapakita ng galang sa isang ginang, at siyempre ang salitang “Ma’am” ay bilang isang respeto at magalang na tawag sa ating mga babaeng guro.
Sila ang ating mga ikalawang ina sa labas ng tahanan. Tayo’y kanilang ginagabayan ng sa ganoon ay magkaroon tayo ng mas malawak pang kaalaman sa lahat ng bagay.
Nakakalungkot nga lang dahil, sa ngayon, unti-unti na silang nag-aalisan, isinasantabi muna ang matayog na pangarap bilang mga guro, upang makahanap ng mas matayog pang kapalaran sa ibayong dagat.
Sa isang dokyumentaryo ni Howie Severino na “Babalik na si Ma’am” agad akong nabighani, hindi lang dahil sa lalim ng tema nito, kundi dahil sa napaka lawig ang maaari nitong sakupin. Dito itinampok ang buhay ng isang gurong handang ipagpalit ang dolyar na kinikita, kapalit ng pagtuturo sa ating bansa.
Ilan sa mga kababayan natin ay nasa Hongkong hindi upang maglibang o mamasyal, kundi magtrabaho bilang mga DH o Domestic Helper. Ang ilan sa kanila ay tinalikuran muna ang pagiging guro, kapalit ng pangakong mas malaking kita.
Dahil sa kanilang pag-alis, ang sitwasyon o lagay ng edukasyon sa ating bansa ay unti-unti ng bumababa, dahil sa kaukulangan ng mga guro.
Dahil dito nagpalabas ng programa ang Dep Ed o Department of Education, isang sangay ng gobyerno upang tutukan at pangasiwaan ang edukasyo sa bansa, na noo’y pinamunuan ni Raul Roco. Programa na kung saan ay makapagbibigay ng pagkakataon sa mga kababayan nating nasa Hongkong na muling makabalik sa ating bansa at mamasukan, hindi na bilang isang domestic helper, kundi bilang isang nakaunipormeng guro.
Makikita sa dokyumentaryo ang talagang kagustuhan ng ating mga kababayan sa programa, ngunit sa totoong buhay, mayroong pinapalad at mayroon namang hindi.
Ipinakilala rito ang isang DH na nagtrabaho sa Hongkong ng mahigit sa isang dekada na. Sa tagal ng taong inilagi nito, halos ituring na siyang kabilang ng isang pamilya.
Isa sa mga istilo ni Howie ay ang kanyang “Side trip” na kung saan ay nabibigyan niya ng koneksyon sa takbo ng kuwento ang mga bagay o sitwasyon na nadadaanan niya.
Dahil sa tagal na ng ilang DH sa Hongkong, mahirap na sa kanila ang mag-paalam na lamang sa kanilang pinagtrabahuhan.
Ang eksena sa airport na kung saan ay nagpapalam sila ay isa lamang sa mga tagpo ng totoong buhay ukol sa pinaghalong tuwa at lungkot. Tuwa dahil sa wakas ang iyo’ng pinapangarap na ng kay tagal ay abot kamay mo na, sa kabilang banda lungkot, dahil sa halos tagal na ng panahon, ay mayroon at mayroon kang iiwan na isang pamilya na tumanggap sa iyo sa ibang lugar at itinuring kang miyembro nito.
Mayroong eksena na kung saan ay pumunta sa isang eskuwelahan ang isang DH na pinalad sa programa, ngunit hindi pala ganoon kadali dahil, dumaan muna ito sa mapanuring principal ng paraalan, ngunit sa bandang huli naman ay natanggap din ito.
Nakauwi na si aling Mercy sa kanyang bayan. At handa na sa isang panibagong pagsubok sa kanyang buhay, ngunit sa ngayon hindi na ang dustpan, walis tambo at basahan ang hawak, kundi aklat, chalk at eraser na gagamitin para sa mga batang kanyang tuturuan.
Ang dokyumentaryong ito ay sumalamin sa isang bahagi ng migration sa bansa, na kung saan ay dahil sa kakulangan ng mga guro, tuloy unti-unti ng nagiging mang-mang si batang Juan. Kaya naman para sa akin isa ito sa mga paborito kong gawa ni Howie, dahil hindi niya lang pinukaw ang ating damdamin, binigyan pa niya tayo ng isang hamon, hamon na kung saan ay susubok sa ating tatag, kung atin bang lilisanin ang sariling bayan na mas nangangailangan sa atin, o mas mas lalo pang pagsilbihan ang ibang lahi, kapalit ng malaking salapi. Sa kabilang banda, ipinakita rin dito ang pag-asang makakabalik ka rin sa sarili mong bayan.