Wednesday, March 12, 2008

PUMALAKPAK SA MADRAMANG DULA

ISANG PALABAS?

Kamakailan lang ay naglabasan ang mga maanumalyang batikos kay Pangulong Arroyo. Halos lahat, ang katumbas ay ang kanyang pagbitiw sa ‘di umano’y “ninakaw” niyang puwesto sa gobyerno.
Nariyan ang “Hello Garci Scandal” na kung saan ay huling-huli sa isang wire-tapped conversation sina Arroyo at dating commissioner ng Commissions on Election (COMELEC) na si Virgillo Garcillano, na nag-uusap para dagdagan ng ilang milyon ang boto ni Arroyo nang sa ganoon ay tiyak na ang kanyang panalo.

Sumunod ang “Cha-Cha” o Charter Change, na kung saan ay babaguhin ang ating konstitusyon, at ang masaklap ay pati ang ating gobyerno na balak pa sanang gawing isang “Parlyamneto”, tuloy binatikos ito ng nakararami at sinabing, hakbang lang ito ng pangulo para mas lalo pang tumagal ang kanyang kapangyarihan sa gobyerno.

Nariyan din ang pagpapatupad sa “Anti Terrorism Bill” na kung saan ay ang hinihinalang terorista ay maaaring dakpin at ikulong, kahit na walang ebidensiya.
At, sino ba naman ang hindi makaklimot sa napaka-init na usapin ngayon, ang hindi mahulugang karayom na mga batikos, ang “ZTE-NBN Deal”.

Tuloy, lahat nagkakalgulo, iisa ang nais, ang tuluyan ng pabagsakin ang gobyernong Arroyo, samahan mo pa ng isang probinsiyanong Tsinoy na si Jun Lozada at makukumpleto na ang palabas.

Sa mga kaganapang ito, tuloy ang tao ay nalilito, kung ano na nga ba talaga ang kahulugan ng pagiging isang Pilipino, talaga bang lahi tayo ng mga garapal sa pera, o lahi ng tagasiwalat ng katotohanan.

Sa mga daraan pang mga araw, asahang magbabago ang takbo ng kuwento, malay niyo ang lahat ng ito ay palabas lamang pala ng gobyerno, nais lang nila siguro tayong bigyan ng konting “problema” ng sa ganoon ay magkawatak-watak tayo at tuluyan ng hindi mag-kaisa. Sana, mas maging mapanuri pa ang simpleng pinoy, huwag sanang padadala sa kung ano ang sinisigaw ng nakararami, paano kung ito’y pakana lamang ng iisa? Sa bandang huli, baka sa kangkungan lamang tayo pupulutin.

No comments: