Thursday, March 13, 2008

tama lang naman...

M A N I F E S T O


“Walang lugar ang manahimik ka na lang… makialam ka para sa katotohanan!”

“Walang dapat ikatakot… ipaglaban ang sagradong karapatan para sa katotohanan!”



Isang malaking pagsubok ang kinakaharap ng ating Gobyerno sa ngayon, hindi lamang sa mga programang tutulong sana sa pagsupil ng kahirapan sa bansa, o mga programang pag-papaigting pa ng ating edukasyon, kundi ang lalong nagiging mapagsalantang delubyo sa pagsupil sa ma-epidemyang sakit ng gobyerno, ang KORAPSYON.
Matagal ng usapin ang korapsyon kung tutu-usin, habang tumatagal mas lalong lumalaki ang naidudulot nitong pinsala sa ating mga mamamayan, lalong-lalo na ang sa ating mga kabataan. Bilyon-bilyong piso ang ninananakaw at napupunta lang sa mga bulsa ng mga “buwaya” ng lipunan, na sana ay napupunta sa atin.
At nito nga lang nagdaang buwan, sumabog ang isyu ukol sa maanumalyang “ZTE-NBN Scandal” na kung saan ay ang lantarang pangungurakot ang katumbas.
Likas sa mga Pilipino ang pagiging matapat, ngunit nasisira ito ng dahil sa kagustuhan ng mga “buwaya” ng lipunan.
Kaya naman ang paglitaw nina Joey De Venecia, Dante Madriaga at Jun Lozada ay isang hamon sa atin ngayon kung hanggang kailan tayo magtitimpi para palampasin pa ang mga anumalya sa gobyernong Arroyo.
Maraming pagkilos ang naganap, at nitong ika-29 lamang ng Pebrero ay nagtipon-tipon ang mga kabataan mula sa ibat-ibang unibersidad kasama ng mga alagad ng simbahan, iisa ang panawagan ang tuluyang pagbitiw ni pangulong Arroyo para sa maruming laro nito. Ngunit sadyang matigas ang pangulo, kahit lantaran ng kasangkot siya sa mga anumalya.
Kaya naman, dito makikita kung hanggang saan ba ang makakaya nating mga kabataang Ilocano.

Hahayaan ba nating manahimik na lamang at palampasin ang nabubulok ng sistema ng gobyerno?
Hahayaan na lang ba nating muli pa tayong maghirap dahil sa mga anumalya ng gobyerno?
Gugustuhin pa ba natin na manatili pa ang pangulo sa kabila ng lantarang pangungurakot sa kaban ng ating bayan?
Hahayaan ba nating palawigin pa ng gobyerno ang Imperyalismo?
Sa mga kaganapang ito, sumusobra na ang gobyerno.
Kaya naman, bilang mga kabataan, huwag nating hayaang hindi maki-alam sa mga kaganapang ito, dahil tayo ay may karapatan para malaman ang katotohanan.
Kailangang marinig ang ating boses.
Kailangang kumilos para sa isang malaking pagbabago.
Sawa na ang kabataan para sa mga mapaglinlang na laro ng gobyerno.
Panahon na upang tayong mga kabataang Ilocano ay marinig naman ng buong bayan.

Maki-isa! Sumali para sa isang pagbabago!
YOUTH POWER IS PEOPLE POWER!

No comments: